Miyerkules, Marso 28, 2012

Sapagkat Tayo ay Manggagawa, Tayo ay Sosyalista!


                                      Noon ang SABI NG GOBYERNO....
ang Pilipinas ay kikilalanin bilang bagong tigre sa ekonomiya sa Timog Silangang Asya. Mula sa dati ay mahirap at naghihingalo ay tatanghalin tayo bilang bansang may pinakamabilis na ratio ng pag-unlad at kakain sa atin ng alikabok ang mga kalapit- bansa  sa nakakabulag na bilis ng ating pananagana. Magkakandarapa kasi ang mga dayuhang korporasyon sa pag-uunahang makapag-negosyo sa ating bayan. Paano ba naman eh dito sa atin matatagpuan ang pinakamasarap na putahe sa pagni-negosyo : murang lakas-paggawa, mababait at hindi reklamador na mga trabahador (it’s more fun in the Philippines baby!). Wag mag-aalala ang mga kapitalista; protektodo kayo ng gobyerno laban sa mga magri-reklamo...may mga batas kaya na magtitiyak na hindi mabibitin si foreign investor sa kanyang panggagahasa sa yaman ng bansa. Nariyan ang privatization, deregulation, liberalization at kung ano-ano pang syon para wala talagang istorbo sa malayang kalakalan at negosyo. Welcome to the free trade, welcome Globalization, welcome to the World                Trade Organization (WTO)! 



D2 na me wer na u ???...
                Nasaan ang pangakong kaunlaran ng Globalisasyon? Magda-dalawang dekada na buhat ng sumapi tayo sa WTO pero hindi kaunlaran ang ating naranasan! Libo-libong manggagawa ang natanggal sa trabaho, libong pabrika at mga kumpanya ang nagsara dahil sa lintek na kumpetisyong dala ng lintek na Globalisasyon! 

              Naka-ilang presidente na tayo (may tabako, may babaero, may unano at ngayon ay kalbo) pero wala pa ring trabaho ang milyong Pilipino habang ang mga mga pinalad  ay nagtitiis sa kakaramput na sweldo at walang katiyakan at proteksyon sa mga kontraktuwal na trabaho. Patuloy na inilalayo ng gobyerno ang mga manggagawa sa kani-kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng paglalako nito sa ibang kapitalistang bansa bilang mga  OFW.


Sahod bumaba, presyo tumaas! Niloloko tayo ng gobyerno nang sabihin nitong sa pagpasok natin sa WTO at Globalisasyon ay papatak ang biyaya ng kaunlaran sa buong mamamayan. Napako ang sahod ng manggagawa sa halagang sapat lang para makabalik siya sa pinapasukan at makapagtrabaho pa kinabukasan habang patuloy ang pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ipokrito ang gobyerno nang ito mismo ang nagsabing kailangang kumita ng P996 kada araw ang bawat manggagawa gayung siya rin ang nagtakda na ang minimum na sahod ay P426 lang sa National Capital Region. Linggo-linggo tumataas ang presyo ng langis at kasabay na tumataas ang presyo ng lahat ng mga bilihin at serbisyo dahil sa kawalan ng kontrol ng pamahalaan sa mga higanteng korporasyon bunga ng patakarang deregulasyon. 

Buwisan ang mamamayan, ipagtanggol ang mayayaman!
                Sa halip na tayo ang tulungan tayo pa ang kinakaltasan ng 12% na EVAT na ipinapataw ng gobyernong mandurugas sa bawat bilihin, serbisyo at iba pang pang-araw araw nating pangangailangan. Buwis na hindi naman bumabalik sa bayan sa anyo ng maunlad na serbisyong panglipunan tulad ng libreng edukasyon, programang pangkalusugan, pabahay, tulong sa rehabilitasyon ng mga biktima ng mga sinasalanta ng iba’t-ibang kalamidad at iba pang dapat sana ay obligasyon ng pamahalaan sa
kanyang mamamayan.  


Why oh why ganito ang ating buhay?

                Ang lipunang Pilipino ay isang kapitalistang lipunan. Ibig sabihin, ang mga patakarang pang-ekomiya at politika ay nakahulma para sa proteksyon ng mga kapitalista. Ang paniwala kasi ni gobyerno ay uunlad ang ating bansa sa pamamagitan ng pagni-negosyo ng mga kapitalista. Si kapitalista lamang ang may kapangyarihan upang umunlad ang bayan kaya dapat silang alagaan. Dapat sila ang nasa poder ng kapangyarihan mula ehekutibo (Malacanang at mga ahensya ng gobyerno), lehislatura (Kongreso at Senado) at hudikatura (Korte Suprema at mga hukuman) para tiyaking ang lipunang Pilipino ay mananatiling tapat sa aral o doktrina ng kapitalismo. Hindi mahalaga para sa gobyerno ang kanyang mga manggagawa ang importante’y dapat laging masaya ang amo nitong mga dambuhalang korporasyon. 




Dahil kapitalista ang lipunan ang uri nito ay nahahati sa dalawa-ang iilang mga kapitalista sa una at ang milyon-milyong manggagawang Pilipino sa kabilang dulo. Mga dambuhalang korporasyon, dayuhan o lokal, na nagmamay-ari ng lupa, makina, gusali, pagawaan at kapital kontra sa milyon-milyong tao na nagbabanat ng buto, nagpapatulo ng pawis at dinudugo sa kakatrabaho kapalit ng kakarampot na sweldo

Mga kapatid, brother, sister, tita, tito, nanay, tatay, manggagawa tayo! Tayo ang nasa kabilang dulo ng di pantay na relasyong kapitalista’t manggagawa. Binubulag tayo ng pantasyang sa pamamagitan ng pagsisipag, pagtitiis at pagpapakasakit ay makakamit natin ang ating minimithing kasaganaan. Inaaliw tayo ng mga sarsuwelang ipinalalaganap ng maunlad na teknolohiya at multi-media na syempre pa ay pag-aari din ng mga kapitalista upang hindi natin maramdaman ang panggagantso sa atin ng mga kapitalista’t gobyerno. Tayo ang 99% sila ang 1%!  Ganito kalupit ang sistemang kapitalismo, kahit ang kapitalista ay nahihiyang sabihing ito ang sistemang umiiral sa bansa at buong daigdig. Tinawag nila itong demokrasya, ang tawag naman ng mga aktibista sa kanila ay mga imperyalista.

Manggagawa tayo! Magkakapatid tayo sa uri!
Di man tayo magkaka-kilala alam nating wala tayong pag-aari at mabubuhay lamang tayo sa pagbi-benta ng ating lakas-paggawa, ng ating talino’t kasanayan. Tayo ang mga magkaka-uring  namamasukan sa mga pabrika, opisina, fast food centers, mga naglalakihang mall at shopping centers, mga tsuper, guro, nars, call center agents, batilyo, mangingisda, security guard, gasoline attendant. Kapatid natin ang mga vendor na nakakikipaghabulan sa mga awtoridad para makapaghanap ng ipakakain sa kanilang pamilya. Kauri natin ang mga maralitang sinasalanta na ng kalamidad  ay sinusunog at dini-demolis pa ang kabahayan. Ang mga kabataan nakapagtapos man o natigil sa pag-aaral ay walang ibang patutunguhan kungdi ang magbenta ng kanilang lakas-paggawa, sila ang susunod na henerasyon ng manggagawang babalikat ng buong bigat ng krisis na dala ng kapitalismo. 

Kahit sa mga bansang mauunlad gaya sa Amerika at Europa ay grabeng kaapihan at kahirapan ang dinaranas ng kanilang mga manggagawa. Tulad dito sa Pilipinas, inaalisan ng benipisyo at proteksyon ang mga manggagawa at mamamayan upang isalba ang mga naluluging kumpanya o mga korporasyon. Inaalisan ng mga serbisyong dati ng tinatamasa ng mga manggagawa at mamamayan. Pagsalba (bail out) sa kapitalista, pagtitipid (austerity) naman sa manggagawa. Kahit sa mga bansang promotor ng kapitalista o ng imperyalistang globalisasyon ay umaalingasaw ang baho ng sistemang kapitalismo. 

Kung palpak ang kapitalismo bilang sistemang panglipunan mayroon bang sistema na babago sa kalagayan ng manggagawa??????  Ang sagot ay MERON! ...Tadah!!!!  Ito ang SOSYALISMO!
Ito ang sistemang panglipunan kung saan ang paggawa ng lipunan ay hindi para sa kapakinabangan ng iilang kapitalista. Ang lilikhain nating mga manggagawa ay para sa pangangailangan ng lipunan at hindi para pagtubuan ng iilan. Sa kapitalismo sama-sama o sosyalisado ang paggawa pero napupunta lang sa kapitalista ang tubo na nalikha ng manggagawa. Kabaliktaran ito ng sosyalismo na hindi negosyo o pinagkakakitaan ang edukasyon, pabahay, kalusugan at mga marapat na serbisyong panglipunan kungdi isang obligasyon ng pamahalaan na ibalik sa mamamayan ang bunga ng kanilang pinagpaguran.

            Ang buong sistemang pampolitika ay sa pamamagitan ng  partisipasyon ng manggagawa  hindi tulad ng kasalukuyang diumano ay demokrasya na para lang sa iilang mga elitista. Ang relasyon sa pakikipagkalakalan o negosyo sa ibang bansa ay nakabatay sa respeto at pagkakapantay-pantay at laging ipagpapa-una ang interes ng bayan
hindi ng dayuhan. Ang yaman ng bansa ay yaman para lamang sa kanyang mamamayan. Kaunlaran at progreso para sa lahat ng hindi ng dayuhan. Ang yaman ng bansa ay yaman para lamang sa kanyang mamamayan. Kaunlaran at progreso para sa lahat ng nagpapagal ito ang tunay na demokrasya, ito ang hustisyang panglipunan. Nagpapagal ito ang tunay na demokrasya, ito ang hustisyang panglipunan.  


How how de carabao? Paano nga ba mangibabaw laban sa mga halimaw?

Una; kailangan nating magkaisa. Magkaisa tayo sa pagkilala na ang problema nating manggagawa ay ang sistema, ang sistemang kapitalista. Ikalawa; kilalanin, huwag maliitin ang ating kakayahang buhayin at pamahalaan ang lipunan. Sabi nga, tayo ang 99% at iilan lang ang mga kapitalista. Nasa atin ang bilang, therefore, nasa atin ang lakas. Dito natin hugutin ang kumpyansang tayo ang mananaig, magtiwala tayo sa kapatid natin sa uri at organisahin natin ang ating sarili sa ilalim ng isang sosyalistang organisasyon ng ating uri.  Sumapi tayo sa BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO (BMP), ang kaisa-isang organisasyong walang ibang uri ang itataguyod, walang ibang interes ang ipaglalaban at walang takot na makikibaka para sa katuparan ng isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, ang sosyalismo.

Masarap yan.. parang bawal. Matagal na ang BMP bilang pambansang sosyalistang sentro ng manggagawa. Hindi ito bawal o iligal na organisasyon. Membro nito ang mga unyon ng manggagawa, samahan ng mga maralita, manggagawa sa transportasyon, mga indibidwal na manggagawa may unyon man o wala na kilala bilang mga BUKLOD. Mahaba na ang kanyang history ng pakikibaka mula noong panahon ni FVR, Erap, GMA at  hanggang sa kasalukuyang syota ni Grace Lee na si Pnoy. Walang isyu at problemang kinaharap ang manggagawa at mamamayan na hindi inaksyunan ng BMP sa pamamagitan ng mga protesta at demonstrasyon. At walang plano ang BMP na isuko at kalimutan ang kanyang sinumpaang tungkulin sa manggagawang Pilipino na organisahin ang hanay bilang isang pampulitikang pwersang panapat at gagapi sa estadong maka-kapitalista.

Wah! Baka party-list yan! ….Hindi party-list ang BMP. Pampulitikang sentro ito ng manggagawa ngunit hindi para maging politikong kalahok ang mga kinatawan nito sa mga gaganaping eleksyon sa bansa. Politikang sentro ito para sa pagsusulong ng sosyalismo. Ang tungkulin nito sa politika ay ang imulat at ipaunawa sa mga manggagawa ang  mapagsamantalang sistemang kapital, organisahin sila bilang uri at pakilusin sila bilang isang malakas na pwersa para sa ganap na pagbabagong panglipunan, para sa sosyalismo.

Sino ang pwedeng sumapi sa BMP? Lahat ng nagbabanat ng buto para mabuhay, lahat ng walang pribadong pag-aari sa kagamitan sa produksyon at tanging lakas-paggawa ang puhunan ay maaring maging kasapi. Mga manggagawa sa gobyerno man at pribado, regular man o kontraktuwal, babae man o lalake, bakla o tomboy. Kargador man sa palengke, pier o fish port, taxi driver, jeepney driver, tricycle driver  o anumang sasakyang panghanap buhay. Nagta-trabaho ka man sa call center, fast food center, bangko, ospital o anumang opisina o kahit nangangalakal ng basura. Guro ka man, nurse, engineer o anumang
propesyunal na okupasyon.  Lahat ng nagngi-ngitngit sa lupit ng hagupit ng krisis ng kapitalismo, lahat ng manggagawang Pilipino ay pwedeng sumapi sa BMP.

Paano sumapi sa BMP? Ang balangay o chapter ng BMP ay itatayo sa National Capital Region at lalawigan ng Rizal. Tatawagin itong BMP-NCRR at ang lahat ng aplikasyon ng pagsapi ay sa pamamagitan ng pag-fill up ng mga membership form na kalakip ng babasahing ito. May mga application form din na pwedeng i-down load sa internet i-click lang ang www.bmpncrr.blogspot.com May mga organisador din na makikipag-ugnayan sa inyo sa bawat Lungsod at mga munisipalidad para sa iba pang mga mahahalagang impormasyong nais ninyong malaman tungkol sa BMP-NCRR.

Dumalo sa kongreso ng pagtatatag ng BMP-NCRR sa April 21, 2012 kung saan ay pagtitibayin ang mga mahalagang resolusyo, programa ng pagkilos at ang paghahalal ng mga opisyales n gating organisasyon. Ang pagsasapubliko ng pagsilang ng sosyalistang organisasyong ng mga manggagawa sa National Capital Region-Rizal ay sa pamamagitan ng isang higanteng pagtitipon ng mga manggagawa sa paggunita ng pandaigdigang araw nating mga manggagawa sa darating na Mayo uno. Dalawang makasaysayang petsa para sama-sama nating iparinig ang nagkakaisang tinig ng mga manggagawa na sobra na, tama na ang pagsasamantala, wakasan ang kapitalismo , hawanin ang landas patungong sosyalismo. 








ITAYO ANG SOSYALISTANG PAMPULITIKANG SENTRO NG MANGGAGAWA SA METRO MANILA-RIZAL! ITAYO ANG BMP-NCRR!


Sa gitna ng papatinding atake sa kabuhayan at karapatan ng manggagawa
ITAYO ANG SOSYALISTANG PAMPULITIKANG SENTRO NG MANGGAGAWA
SA METRO MANILA-RIZAL! ITAYO ANG BMP-NCRR!

Ngayon higit kailanman nagaganap ang pinaka-kritikal na yugto sa buhay ng manggagawa sa bansa. Ang mga pangambang noon ay inihayag natin na sa paghahangad ng kapitalismong dugtungan ang naghihingalong paghahari nito ay babaling sa ibayong pagsikil sa pang-ekonomiya at pampulitikang karapatan ng manggagawa sa pamamagitan ng mga neoliberal na imposisyon ng imperyalistang paghahari ay isa nang reyalidad.

Ang salot ng Globalisasyon ay epidemyang patuloy na nananalasa sa iba’t-ibang anyo ng mga labor flexibility schemes tulad ng contractualization, out sourcing at pagdurog sa mga natitirang proteksyon at pagbawi sa mga benipisyong natamo ng mga ninuno nating mga manggagawa sa mahabang panahon ng kanilang pakikibaka.

Hindi lamang sa Pilipinas nagaganap ang walang habas na kahirapa’t kaapihang dinaranas ng uring anakpawis resulta ng paghahangad ng kapitalismong patuloy na makapaghari sa daigdig. Nagaganap ang mga ispontanyo at mga organisadong pag-aaklas ng mga manggagawa bunga ng samut-saring usaping kinakaharap sa buhay at hanap buhay ng mga manggagawa kahit sa mga bansang itinuturing na mga dambuhala sa ekonomiya. 

Buhat ng sumambulat ang pandaigdigang krisis ng kapital noong 2008 ay wala pang makitang solusyon ang mga kapitalista para mag-survive sa sakit na karaniwan nang sintomas ng sobrang pagkasugapa sa tubo ng mga kapitalista kungdi ang pigain pa hanggang sa huling patak ang dugo at pawis ng manggagawa. Ang ginagawa ng mga maka-kapitalistang gobyerno ay ang pagsasalba sa mga naluluging naglalakihang kumpanya, bangko at iba’t-ibang industriya habang tinatanggalan ang mga manggagawa ng anumang natitirang pagkakataong mabuhay batay sa kanyang pangangailangan bilang tao.

Bigo ang sinasabing bagong pangdaigdigang sistemang pang-ekonomiyang kinakatawan ng Globalisasyon upang pagtakpan ang karumaldumal na krimen ng sistemang kapitalismo laban sa sangkatauhan. Saan mang dako tingnan, ang matingkad ngayon ay ang napipintong tuluyang pagguho ng ng naghihingalong sistemang ito.

Sa kabilang banda, hindi isinusuko ng kapitalismo ang kanyang dominasyon sa ekonomiya’t politika ng mundo kahit sa kalagayan ng sistemang ito ngayon na  sisinghap-singhap. Ang posibilidad ng pagsiklab ng panibagong digmaang pandaigdig upang lutasin ang krisis ng kapitalista kung ganun ay isang nangungunang opsyon. Ang lahat ng senyales na magaganap ito ay naka-pwesto na sa ngalan ng diumano’y globalisadong kampanya kontra-terorismo bilang palusot sa mga militaristang panghihimasok at pananakop sa mga bansang gaya ng Pilipinas.

Nagpupuyos sa galit ang mga manggagawa bunga ng pagkakait sa kanila ng karapatang mabuhay habang nagtatampisaw sa luho at yaman ang iilang kapitalista. Isang halimbawa dito ang nagaganap na occupy movement sa US na hinugot mula sa pagmamaktol ng mga manggagawang Amerikano kontra sa kasibaan ng mga bangkero at chief executives ng mga dambuhalang korporasyon. Hindi matatawaran ang kagila-gilalas na pagpapakita ng militansya at determinasyon ng mga lumahok sa kilusang ito sa mismong sentro ng imperyalistang paghahari sa mundo.  Nagsimula sa iilang daan sa Wall Street hanggang sa  umabot sa libu-libo sa iba pang estado ng Amerika hanggang sa tumawid na sa iba pang abanteng kapitalistang bansa.

Habang nagkukumahog ang kapitalismo na patayin ang sunog sa sarili niyang bakuran para nitong sinasabuyan ng gasolina ang apoy sa sarili nitong pamamahay. Ngunit kung ang kapitalismo ay naa-agnas ayon sa mga kaganapan at alinsunod sa kalikasan nito bilang isang mapagsamantalang sistemang panglipunan ano’t hindi pa rin ito tuluyang nawawasak? Nasaan ang kinakailangang panghuling-bigwas upang ibaon ito sa basurahan ng kasaysayan? 

Ang himutok ng mga manggagawa ay nakatuon sa nararanasan niyang kahirapan bunga ng kawalan at kakulangan ng trabaho, mababang sahod at benipisyo, napakataas na presyo ng mga bilihin at bayarin. Ang nakikita ng masang manggagawa ay ang kasuwapangan pa ng mga mayayaman o ng kanilang mga indibidwal na amo. Ang nararanasang pagdarahop sa gitna ng kasaganaan at pag-unlad ay hindi pa maintindihan ng manggagawa na isang sistemikong sakit ng isang sistemang panglipunang nabubuhay sa pagsasamantala ng iilan sa lakas paggawa ng nakararami.

Kailangang abutin ng manggagawa ang kaisipang sila ang bumubuhay sa lipunang ating ginagalawan. Na anumang yaman at pag-unlad na inabot nito ay resulta ng paglapat ng kanilang lakas-paggawa. Kailangang umabot sa kamalayan ng manggagawa na siya lamang ang nag-iisang uring may kakayahang maitayo ang isang lipunang tunay na tutugon sa pangangailan ng sangkatauhan, ang Sosyalismo. Ang dapat na masapol ng manggagawa ay ang kanyang sole and exclusive at makasaysayang papel tungo sa ganap at makabuluhang pagbabago at yakapin ang Sosyalismo,  ang  kanyang makauring kamalayan.

Ngunit hindi kusang matatagpuan ng manggagawa ang kamalayang makauri lalo pa’t nakatarak sa lalamunan niya ang matinding krisis ng kahirapan. Kailangang may “maghatid” ng kamalayang ito buhat sa labas tungo sa hanay ng masa ng uri. Kailangan nilang makilala at sumapi sa isang mulat-sa-uring organisasyong tunay na magsusulong ng makauring pakikibaka na ganap na tatapos sa paghahari ng kapitalismo. Ngayon, higit kailanman, ang tamang panahon upang buong kumpyansang ihayag sa masang anakpawis ang kawastuhan at superyoridad ng Sosyalismo kontra kapitalismo. Ngayon ang panahon upang itayo nang walang pasubali ang Sosyalistang Pampulitikang Sentro ng manggawa sa Metro Manila-Rizal sa anyo ng BMP-NCRR Chapter.

Itatayo natin BMP-NCRR hindi lamang alinsunod sa mga naunang nabanggit na kalagayan sa itaas kungdi mas pa sa natatangi at estratehikong papel ng Rehiyon sa kabuoang pagsusulong ng kilusang manggagawa.  Sa pambansang punong rehiyon at karatig nitong lalawigan ng Rizal kung saan ay konsentrasyon ng mga manggagawa sa industriya at serbisyo dapat umalingaw-ngaw ang tinig at tindig ng mulat-sa-uring organisasyong mananawagan ng pagkakaisa kontra sa salot ng kapitalismo at ibando ang sosyalismo bilang tanging solusyon sa kahirapan at kaapihang dinaranas ng buong uring anakpawis.

Bilang sentrong urban sa bansa  dito inilulunsad ang mga pambansang kampanya at dito rin nahuhubog ang mga pampublikong opinyon na maaring magtatakda ng mga pampolitikang reaksyon ng masa sa mga kaganapan. Sa Rehiyon nakaluklok ang trono ng politikang kapangyarihan mula ehekutibo, lehislatura at hudikatura at ito rin ang lokasyon ng mga estratehikong industriya, komunikasyon, transportasyon, finance institutions at iba pang mahahalagang instalasyong simbulo ng kapitalistang kontrol sa bansa.

Sa kasalukuyan ay nasa disposal ng Rehiyon ang signipikanteng bilang ng baseng masang maaring magamit na puhunan sa pagpupundar ng isang sosyalistang sentro ng manggagawa. Sapat pa ang bilang ng mga unyon natin buhat sa ating mga pederasyon at higit na malawak pa ang mga unyon na hinog nang abutin para ipakilala at kumbinsihin sila sa kawastuhan ng programa natin para sa manggagawang Pilipino.

Ituring din nating bahagi ng ating arsenal ang patuloy na lumalaking reserbang hukbo ng paggawa na organisado bilang sektor ng maralitang lungsod. Kakabigin natin sila sa BMP-NCRR hindi bilang tagapagparami sa mga ikakasang dambuhalang mobilisasyon sa Rehiyon kungdi bilang kauri na may klarong  interes para sa pagtatayo ng sosyalismo. Sasamahan natin sila sa araw-araw nilang pakikihamok sa walang tigil na atake ng estado sa kanilang mga komunidad at hanapbuhay upang ikintal sa puso’t isip ang kawastuhan ng pakikibaka laban sa salot ng kapitalismo na kinakatawan ng kasalukuyang maka-kapitalistang rehimeng Aquino.

Kabigin natin at organisahin sa BMP-NCRR ang patuloy na lumalaking bilang ng mga manggagawang kontraktwal na dumaranas ng matinding kahirapan at kaapihan sa kamay ng mga lokal at dayuhang kapitalista. Kailangang masindihan ang namumuong apoy sa kanilang dibdib sa pamamagitan ng pag-abot at pagmumulat sa kanila sa mapagsamantalang kalagayang dinaranas. Paputukin ang mga laban sa pamamagitan ng mga mapanlikhang paglalapat ng mga taktika na may klaro at kagyat na ganansya na magbibigay sa  kanila ng kumpyansang makibaka.

Dagdag pa, nasa panig natin ang iba’t-ibang seksyon ng mga manggagawa mula sa  transportasyon, mga guro, manggagawa sa kalusugan, government employees at mga propesyunal na sa mahabang panahon o pana-panahon ay nakakasama natin sa mga pagkilos. 

Sa sumada, klarong nasa atin ang ginintuang pagkakataon upang itayo ang BMP-NCRR. Ngayon, higit kailanman ang tamang panahon upang mapangahas na ihayag sa buong bansa at tanghalin ang Sosyalismo bilang tanging solusyon laban sa salot ng kahirapan at pagsasamantala. Dito sa pambansang punong lungsod at Rizal dapat tumampok at sumiklab ang makauring pakikibaka ng manggagawa kontra kapitalismo.


Bukluran ng Manggagawang Pilipino – National Capital Region-Rizal
(Solidarity of Filipino Workers)