Miyerkules, Marso 28, 2012

Sapagkat Tayo ay Manggagawa, Tayo ay Sosyalista!


                                      Noon ang SABI NG GOBYERNO....
ang Pilipinas ay kikilalanin bilang bagong tigre sa ekonomiya sa Timog Silangang Asya. Mula sa dati ay mahirap at naghihingalo ay tatanghalin tayo bilang bansang may pinakamabilis na ratio ng pag-unlad at kakain sa atin ng alikabok ang mga kalapit- bansa  sa nakakabulag na bilis ng ating pananagana. Magkakandarapa kasi ang mga dayuhang korporasyon sa pag-uunahang makapag-negosyo sa ating bayan. Paano ba naman eh dito sa atin matatagpuan ang pinakamasarap na putahe sa pagni-negosyo : murang lakas-paggawa, mababait at hindi reklamador na mga trabahador (it’s more fun in the Philippines baby!). Wag mag-aalala ang mga kapitalista; protektodo kayo ng gobyerno laban sa mga magri-reklamo...may mga batas kaya na magtitiyak na hindi mabibitin si foreign investor sa kanyang panggagahasa sa yaman ng bansa. Nariyan ang privatization, deregulation, liberalization at kung ano-ano pang syon para wala talagang istorbo sa malayang kalakalan at negosyo. Welcome to the free trade, welcome Globalization, welcome to the World                Trade Organization (WTO)! 



D2 na me wer na u ???...
                Nasaan ang pangakong kaunlaran ng Globalisasyon? Magda-dalawang dekada na buhat ng sumapi tayo sa WTO pero hindi kaunlaran ang ating naranasan! Libo-libong manggagawa ang natanggal sa trabaho, libong pabrika at mga kumpanya ang nagsara dahil sa lintek na kumpetisyong dala ng lintek na Globalisasyon! 

              Naka-ilang presidente na tayo (may tabako, may babaero, may unano at ngayon ay kalbo) pero wala pa ring trabaho ang milyong Pilipino habang ang mga mga pinalad  ay nagtitiis sa kakaramput na sweldo at walang katiyakan at proteksyon sa mga kontraktuwal na trabaho. Patuloy na inilalayo ng gobyerno ang mga manggagawa sa kani-kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng paglalako nito sa ibang kapitalistang bansa bilang mga  OFW.


Sahod bumaba, presyo tumaas! Niloloko tayo ng gobyerno nang sabihin nitong sa pagpasok natin sa WTO at Globalisasyon ay papatak ang biyaya ng kaunlaran sa buong mamamayan. Napako ang sahod ng manggagawa sa halagang sapat lang para makabalik siya sa pinapasukan at makapagtrabaho pa kinabukasan habang patuloy ang pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ipokrito ang gobyerno nang ito mismo ang nagsabing kailangang kumita ng P996 kada araw ang bawat manggagawa gayung siya rin ang nagtakda na ang minimum na sahod ay P426 lang sa National Capital Region. Linggo-linggo tumataas ang presyo ng langis at kasabay na tumataas ang presyo ng lahat ng mga bilihin at serbisyo dahil sa kawalan ng kontrol ng pamahalaan sa mga higanteng korporasyon bunga ng patakarang deregulasyon. 

Buwisan ang mamamayan, ipagtanggol ang mayayaman!
                Sa halip na tayo ang tulungan tayo pa ang kinakaltasan ng 12% na EVAT na ipinapataw ng gobyernong mandurugas sa bawat bilihin, serbisyo at iba pang pang-araw araw nating pangangailangan. Buwis na hindi naman bumabalik sa bayan sa anyo ng maunlad na serbisyong panglipunan tulad ng libreng edukasyon, programang pangkalusugan, pabahay, tulong sa rehabilitasyon ng mga biktima ng mga sinasalanta ng iba’t-ibang kalamidad at iba pang dapat sana ay obligasyon ng pamahalaan sa
kanyang mamamayan.  


Why oh why ganito ang ating buhay?

                Ang lipunang Pilipino ay isang kapitalistang lipunan. Ibig sabihin, ang mga patakarang pang-ekomiya at politika ay nakahulma para sa proteksyon ng mga kapitalista. Ang paniwala kasi ni gobyerno ay uunlad ang ating bansa sa pamamagitan ng pagni-negosyo ng mga kapitalista. Si kapitalista lamang ang may kapangyarihan upang umunlad ang bayan kaya dapat silang alagaan. Dapat sila ang nasa poder ng kapangyarihan mula ehekutibo (Malacanang at mga ahensya ng gobyerno), lehislatura (Kongreso at Senado) at hudikatura (Korte Suprema at mga hukuman) para tiyaking ang lipunang Pilipino ay mananatiling tapat sa aral o doktrina ng kapitalismo. Hindi mahalaga para sa gobyerno ang kanyang mga manggagawa ang importante’y dapat laging masaya ang amo nitong mga dambuhalang korporasyon. 




Dahil kapitalista ang lipunan ang uri nito ay nahahati sa dalawa-ang iilang mga kapitalista sa una at ang milyon-milyong manggagawang Pilipino sa kabilang dulo. Mga dambuhalang korporasyon, dayuhan o lokal, na nagmamay-ari ng lupa, makina, gusali, pagawaan at kapital kontra sa milyon-milyong tao na nagbabanat ng buto, nagpapatulo ng pawis at dinudugo sa kakatrabaho kapalit ng kakarampot na sweldo

Mga kapatid, brother, sister, tita, tito, nanay, tatay, manggagawa tayo! Tayo ang nasa kabilang dulo ng di pantay na relasyong kapitalista’t manggagawa. Binubulag tayo ng pantasyang sa pamamagitan ng pagsisipag, pagtitiis at pagpapakasakit ay makakamit natin ang ating minimithing kasaganaan. Inaaliw tayo ng mga sarsuwelang ipinalalaganap ng maunlad na teknolohiya at multi-media na syempre pa ay pag-aari din ng mga kapitalista upang hindi natin maramdaman ang panggagantso sa atin ng mga kapitalista’t gobyerno. Tayo ang 99% sila ang 1%!  Ganito kalupit ang sistemang kapitalismo, kahit ang kapitalista ay nahihiyang sabihing ito ang sistemang umiiral sa bansa at buong daigdig. Tinawag nila itong demokrasya, ang tawag naman ng mga aktibista sa kanila ay mga imperyalista.

Manggagawa tayo! Magkakapatid tayo sa uri!
Di man tayo magkaka-kilala alam nating wala tayong pag-aari at mabubuhay lamang tayo sa pagbi-benta ng ating lakas-paggawa, ng ating talino’t kasanayan. Tayo ang mga magkaka-uring  namamasukan sa mga pabrika, opisina, fast food centers, mga naglalakihang mall at shopping centers, mga tsuper, guro, nars, call center agents, batilyo, mangingisda, security guard, gasoline attendant. Kapatid natin ang mga vendor na nakakikipaghabulan sa mga awtoridad para makapaghanap ng ipakakain sa kanilang pamilya. Kauri natin ang mga maralitang sinasalanta na ng kalamidad  ay sinusunog at dini-demolis pa ang kabahayan. Ang mga kabataan nakapagtapos man o natigil sa pag-aaral ay walang ibang patutunguhan kungdi ang magbenta ng kanilang lakas-paggawa, sila ang susunod na henerasyon ng manggagawang babalikat ng buong bigat ng krisis na dala ng kapitalismo. 

Kahit sa mga bansang mauunlad gaya sa Amerika at Europa ay grabeng kaapihan at kahirapan ang dinaranas ng kanilang mga manggagawa. Tulad dito sa Pilipinas, inaalisan ng benipisyo at proteksyon ang mga manggagawa at mamamayan upang isalba ang mga naluluging kumpanya o mga korporasyon. Inaalisan ng mga serbisyong dati ng tinatamasa ng mga manggagawa at mamamayan. Pagsalba (bail out) sa kapitalista, pagtitipid (austerity) naman sa manggagawa. Kahit sa mga bansang promotor ng kapitalista o ng imperyalistang globalisasyon ay umaalingasaw ang baho ng sistemang kapitalismo. 

Kung palpak ang kapitalismo bilang sistemang panglipunan mayroon bang sistema na babago sa kalagayan ng manggagawa??????  Ang sagot ay MERON! ...Tadah!!!!  Ito ang SOSYALISMO!
Ito ang sistemang panglipunan kung saan ang paggawa ng lipunan ay hindi para sa kapakinabangan ng iilang kapitalista. Ang lilikhain nating mga manggagawa ay para sa pangangailangan ng lipunan at hindi para pagtubuan ng iilan. Sa kapitalismo sama-sama o sosyalisado ang paggawa pero napupunta lang sa kapitalista ang tubo na nalikha ng manggagawa. Kabaliktaran ito ng sosyalismo na hindi negosyo o pinagkakakitaan ang edukasyon, pabahay, kalusugan at mga marapat na serbisyong panglipunan kungdi isang obligasyon ng pamahalaan na ibalik sa mamamayan ang bunga ng kanilang pinagpaguran.

            Ang buong sistemang pampolitika ay sa pamamagitan ng  partisipasyon ng manggagawa  hindi tulad ng kasalukuyang diumano ay demokrasya na para lang sa iilang mga elitista. Ang relasyon sa pakikipagkalakalan o negosyo sa ibang bansa ay nakabatay sa respeto at pagkakapantay-pantay at laging ipagpapa-una ang interes ng bayan
hindi ng dayuhan. Ang yaman ng bansa ay yaman para lamang sa kanyang mamamayan. Kaunlaran at progreso para sa lahat ng hindi ng dayuhan. Ang yaman ng bansa ay yaman para lamang sa kanyang mamamayan. Kaunlaran at progreso para sa lahat ng nagpapagal ito ang tunay na demokrasya, ito ang hustisyang panglipunan. Nagpapagal ito ang tunay na demokrasya, ito ang hustisyang panglipunan.  


How how de carabao? Paano nga ba mangibabaw laban sa mga halimaw?

Una; kailangan nating magkaisa. Magkaisa tayo sa pagkilala na ang problema nating manggagawa ay ang sistema, ang sistemang kapitalista. Ikalawa; kilalanin, huwag maliitin ang ating kakayahang buhayin at pamahalaan ang lipunan. Sabi nga, tayo ang 99% at iilan lang ang mga kapitalista. Nasa atin ang bilang, therefore, nasa atin ang lakas. Dito natin hugutin ang kumpyansang tayo ang mananaig, magtiwala tayo sa kapatid natin sa uri at organisahin natin ang ating sarili sa ilalim ng isang sosyalistang organisasyon ng ating uri.  Sumapi tayo sa BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO (BMP), ang kaisa-isang organisasyong walang ibang uri ang itataguyod, walang ibang interes ang ipaglalaban at walang takot na makikibaka para sa katuparan ng isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, ang sosyalismo.

Masarap yan.. parang bawal. Matagal na ang BMP bilang pambansang sosyalistang sentro ng manggagawa. Hindi ito bawal o iligal na organisasyon. Membro nito ang mga unyon ng manggagawa, samahan ng mga maralita, manggagawa sa transportasyon, mga indibidwal na manggagawa may unyon man o wala na kilala bilang mga BUKLOD. Mahaba na ang kanyang history ng pakikibaka mula noong panahon ni FVR, Erap, GMA at  hanggang sa kasalukuyang syota ni Grace Lee na si Pnoy. Walang isyu at problemang kinaharap ang manggagawa at mamamayan na hindi inaksyunan ng BMP sa pamamagitan ng mga protesta at demonstrasyon. At walang plano ang BMP na isuko at kalimutan ang kanyang sinumpaang tungkulin sa manggagawang Pilipino na organisahin ang hanay bilang isang pampulitikang pwersang panapat at gagapi sa estadong maka-kapitalista.

Wah! Baka party-list yan! ….Hindi party-list ang BMP. Pampulitikang sentro ito ng manggagawa ngunit hindi para maging politikong kalahok ang mga kinatawan nito sa mga gaganaping eleksyon sa bansa. Politikang sentro ito para sa pagsusulong ng sosyalismo. Ang tungkulin nito sa politika ay ang imulat at ipaunawa sa mga manggagawa ang  mapagsamantalang sistemang kapital, organisahin sila bilang uri at pakilusin sila bilang isang malakas na pwersa para sa ganap na pagbabagong panglipunan, para sa sosyalismo.

Sino ang pwedeng sumapi sa BMP? Lahat ng nagbabanat ng buto para mabuhay, lahat ng walang pribadong pag-aari sa kagamitan sa produksyon at tanging lakas-paggawa ang puhunan ay maaring maging kasapi. Mga manggagawa sa gobyerno man at pribado, regular man o kontraktuwal, babae man o lalake, bakla o tomboy. Kargador man sa palengke, pier o fish port, taxi driver, jeepney driver, tricycle driver  o anumang sasakyang panghanap buhay. Nagta-trabaho ka man sa call center, fast food center, bangko, ospital o anumang opisina o kahit nangangalakal ng basura. Guro ka man, nurse, engineer o anumang
propesyunal na okupasyon.  Lahat ng nagngi-ngitngit sa lupit ng hagupit ng krisis ng kapitalismo, lahat ng manggagawang Pilipino ay pwedeng sumapi sa BMP.

Paano sumapi sa BMP? Ang balangay o chapter ng BMP ay itatayo sa National Capital Region at lalawigan ng Rizal. Tatawagin itong BMP-NCRR at ang lahat ng aplikasyon ng pagsapi ay sa pamamagitan ng pag-fill up ng mga membership form na kalakip ng babasahing ito. May mga application form din na pwedeng i-down load sa internet i-click lang ang www.bmpncrr.blogspot.com May mga organisador din na makikipag-ugnayan sa inyo sa bawat Lungsod at mga munisipalidad para sa iba pang mga mahahalagang impormasyong nais ninyong malaman tungkol sa BMP-NCRR.

Dumalo sa kongreso ng pagtatatag ng BMP-NCRR sa April 21, 2012 kung saan ay pagtitibayin ang mga mahalagang resolusyo, programa ng pagkilos at ang paghahalal ng mga opisyales n gating organisasyon. Ang pagsasapubliko ng pagsilang ng sosyalistang organisasyong ng mga manggagawa sa National Capital Region-Rizal ay sa pamamagitan ng isang higanteng pagtitipon ng mga manggagawa sa paggunita ng pandaigdigang araw nating mga manggagawa sa darating na Mayo uno. Dalawang makasaysayang petsa para sama-sama nating iparinig ang nagkakaisang tinig ng mga manggagawa na sobra na, tama na ang pagsasamantala, wakasan ang kapitalismo , hawanin ang landas patungong sosyalismo. 








Walang komento:

Mag-post ng isang Komento