Sa gitna ng papatinding atake sa kabuhayan at karapatan ng manggagawa
ITAYO ANG SOSYALISTANG PAMPULITIKANG SENTRO NG
MANGGAGAWA
SA METRO MANILA-RIZAL! ITAYO ANG BMP-NCRR!
Ngayon
higit kailanman nagaganap ang pinaka-kritikal na yugto sa buhay ng manggagawa
sa bansa. Ang mga pangambang noon ay inihayag natin na sa paghahangad ng
kapitalismong dugtungan ang naghihingalong paghahari nito ay babaling sa
ibayong pagsikil sa pang-ekonomiya at pampulitikang karapatan ng manggagawa sa
pamamagitan ng mga neoliberal na imposisyon ng imperyalistang paghahari ay isa
nang reyalidad.
Ang
salot ng Globalisasyon ay epidemyang patuloy na nananalasa sa iba’t-ibang anyo
ng mga labor flexibility schemes tulad ng contractualization, out sourcing at
pagdurog sa mga natitirang proteksyon at pagbawi sa mga benipisyong natamo ng
mga ninuno nating mga manggagawa sa mahabang panahon ng kanilang pakikibaka.
Hindi
lamang sa Pilipinas nagaganap ang walang habas na kahirapa’t kaapihang
dinaranas ng uring anakpawis resulta ng paghahangad ng kapitalismong patuloy na
makapaghari sa daigdig. Nagaganap ang mga ispontanyo at mga organisadong
pag-aaklas ng mga manggagawa bunga ng samut-saring usaping kinakaharap sa buhay
at hanap buhay ng mga manggagawa kahit sa mga bansang itinuturing na mga
dambuhala sa ekonomiya.
Buhat ng
sumambulat ang pandaigdigang krisis ng kapital noong 2008 ay wala pang makitang
solusyon ang mga kapitalista para mag-survive
sa sakit na karaniwan nang sintomas ng sobrang pagkasugapa sa tubo ng mga
kapitalista kungdi ang pigain pa hanggang sa huling patak ang dugo at pawis ng
manggagawa. Ang ginagawa ng mga maka-kapitalistang gobyerno ay ang pagsasalba
sa mga naluluging naglalakihang kumpanya, bangko at iba’t-ibang industriya
habang tinatanggalan ang mga manggagawa ng anumang natitirang pagkakataong
mabuhay batay sa kanyang pangangailangan bilang tao.
Bigo ang
sinasabing bagong pangdaigdigang sistemang pang-ekonomiyang kinakatawan ng
Globalisasyon upang pagtakpan ang karumaldumal na krimen ng sistemang kapitalismo
laban sa sangkatauhan. Saan mang dako tingnan, ang matingkad ngayon ay ang
napipintong tuluyang pagguho ng ng naghihingalong sistemang ito.
Sa
kabilang banda, hindi isinusuko ng kapitalismo ang kanyang dominasyon sa
ekonomiya’t politika ng mundo kahit sa kalagayan ng sistemang ito ngayon
na sisinghap-singhap. Ang posibilidad ng
pagsiklab ng panibagong digmaang pandaigdig upang lutasin ang krisis ng
kapitalista kung ganun ay isang nangungunang opsyon. Ang lahat ng senyales na
magaganap ito ay naka-pwesto na sa ngalan ng diumano’y globalisadong kampanya
kontra-terorismo bilang palusot sa mga militaristang panghihimasok at pananakop
sa mga bansang gaya ng Pilipinas.
Nagpupuyos
sa galit ang mga manggagawa bunga ng pagkakait sa kanila ng karapatang mabuhay
habang nagtatampisaw sa luho at yaman ang iilang kapitalista. Isang halimbawa
dito ang nagaganap na occupy movement sa US na hinugot mula sa
pagmamaktol ng mga manggagawang Amerikano kontra sa kasibaan ng mga bangkero at
chief executives ng mga dambuhalang korporasyon. Hindi matatawaran ang
kagila-gilalas na pagpapakita ng militansya at determinasyon ng mga lumahok sa
kilusang ito sa mismong sentro ng imperyalistang paghahari sa mundo. Nagsimula sa iilang daan sa Wall Street hanggang
sa umabot sa libu-libo sa iba pang
estado ng Amerika hanggang sa tumawid na sa iba pang abanteng kapitalistang
bansa.
Habang
nagkukumahog ang kapitalismo na patayin ang sunog sa sarili niyang bakuran para
nitong sinasabuyan ng gasolina ang apoy sa sarili nitong pamamahay. Ngunit kung
ang kapitalismo ay naa-agnas ayon sa mga kaganapan at alinsunod sa kalikasan
nito bilang isang mapagsamantalang sistemang panglipunan ano’t hindi pa rin ito
tuluyang nawawasak? Nasaan ang kinakailangang panghuling-bigwas upang ibaon ito
sa basurahan ng kasaysayan?
Ang
himutok ng mga manggagawa ay nakatuon sa nararanasan niyang kahirapan bunga ng
kawalan at kakulangan ng trabaho, mababang sahod at benipisyo, napakataas na
presyo ng mga bilihin at bayarin. Ang nakikita ng masang manggagawa ay ang
kasuwapangan pa ng mga mayayaman o ng kanilang mga indibidwal na amo. Ang
nararanasang pagdarahop sa gitna ng kasaganaan at pag-unlad ay hindi pa
maintindihan ng manggagawa na isang sistemikong sakit ng isang sistemang
panglipunang nabubuhay sa pagsasamantala ng iilan sa lakas paggawa ng
nakararami.
Kailangang
abutin ng manggagawa ang kaisipang sila ang bumubuhay sa lipunang ating
ginagalawan. Na anumang yaman at pag-unlad na inabot nito ay resulta ng
paglapat ng kanilang lakas-paggawa. Kailangang umabot sa kamalayan ng
manggagawa na siya lamang ang nag-iisang uring may kakayahang maitayo ang isang
lipunang tunay na tutugon sa pangangailan ng sangkatauhan, ang Sosyalismo. Ang
dapat na masapol ng manggagawa ay ang kanyang sole and exclusive at makasaysayang papel tungo sa ganap at
makabuluhang pagbabago at yakapin ang Sosyalismo, ang
kanyang makauring kamalayan.
Ngunit
hindi kusang matatagpuan ng manggagawa ang kamalayang makauri lalo pa’t
nakatarak sa lalamunan niya ang matinding krisis ng kahirapan. Kailangang may
“maghatid” ng kamalayang ito buhat sa labas tungo sa hanay ng masa ng uri.
Kailangan nilang makilala at sumapi sa isang mulat-sa-uring organisasyong tunay
na magsusulong ng makauring pakikibaka na ganap na tatapos sa paghahari ng kapitalismo.
Ngayon, higit kailanman, ang tamang panahon upang buong kumpyansang ihayag sa
masang anakpawis ang kawastuhan at superyoridad ng Sosyalismo kontra
kapitalismo. Ngayon ang panahon upang itayo nang walang pasubali ang
Sosyalistang Pampulitikang Sentro ng manggawa sa Metro Manila-Rizal sa anyo ng
BMP-NCRR Chapter.
Itatayo
natin BMP-NCRR hindi lamang alinsunod sa mga naunang nabanggit na kalagayan sa
itaas kungdi mas pa sa natatangi at estratehikong papel ng Rehiyon sa kabuoang
pagsusulong ng kilusang manggagawa. Sa
pambansang punong rehiyon at karatig nitong lalawigan ng Rizal kung saan ay
konsentrasyon ng mga manggagawa sa industriya at serbisyo dapat umalingaw-ngaw
ang tinig at tindig ng mulat-sa-uring organisasyong mananawagan ng pagkakaisa
kontra sa salot ng kapitalismo at ibando ang sosyalismo bilang tanging solusyon
sa kahirapan at kaapihang dinaranas ng buong uring anakpawis.
Bilang
sentrong urban sa bansa dito inilulunsad
ang mga pambansang kampanya at dito rin nahuhubog ang mga pampublikong opinyon
na maaring magtatakda ng mga pampolitikang reaksyon ng masa sa mga kaganapan.
Sa Rehiyon nakaluklok ang trono ng politikang kapangyarihan mula ehekutibo,
lehislatura at hudikatura at ito rin ang lokasyon ng mga estratehikong
industriya, komunikasyon, transportasyon, finance institutions at iba pang
mahahalagang instalasyong simbulo ng kapitalistang kontrol sa bansa.
Sa
kasalukuyan ay nasa disposal ng Rehiyon ang signipikanteng bilang ng baseng
masang maaring magamit na puhunan sa pagpupundar ng isang sosyalistang sentro
ng manggagawa. Sapat pa ang bilang ng mga unyon natin buhat sa ating mga
pederasyon at higit na malawak pa ang mga unyon na hinog nang abutin para
ipakilala at kumbinsihin sila sa kawastuhan ng programa natin para sa
manggagawang Pilipino.
Ituring
din nating bahagi ng ating arsenal ang patuloy na lumalaking reserbang hukbo ng
paggawa na organisado bilang sektor ng maralitang lungsod. Kakabigin natin sila
sa BMP-NCRR hindi bilang tagapagparami sa mga ikakasang dambuhalang
mobilisasyon sa Rehiyon kungdi bilang kauri na may klarong interes para sa pagtatayo ng sosyalismo.
Sasamahan natin sila sa araw-araw nilang pakikihamok sa walang tigil na atake
ng estado sa kanilang mga komunidad at hanapbuhay upang ikintal sa puso’t isip
ang kawastuhan ng pakikibaka laban sa salot ng kapitalismo na kinakatawan ng
kasalukuyang maka-kapitalistang rehimeng Aquino.
Kabigin
natin at organisahin sa BMP-NCRR ang patuloy na lumalaking bilang ng mga
manggagawang kontraktwal na dumaranas ng matinding kahirapan at kaapihan sa kamay
ng mga lokal at dayuhang kapitalista. Kailangang masindihan ang namumuong apoy
sa kanilang dibdib sa pamamagitan ng pag-abot at pagmumulat sa kanila sa
mapagsamantalang kalagayang dinaranas. Paputukin ang mga laban sa pamamagitan
ng mga mapanlikhang paglalapat ng mga taktika na may klaro at kagyat na
ganansya na magbibigay sa kanila ng
kumpyansang makibaka.
Dagdag
pa, nasa panig natin ang iba’t-ibang seksyon ng mga manggagawa mula sa transportasyon, mga guro, manggagawa sa
kalusugan, government employees at mga propesyunal na sa mahabang panahon o
pana-panahon ay nakakasama natin sa mga pagkilos.
Sa
sumada, klarong nasa atin ang ginintuang pagkakataon upang itayo ang BMP-NCRR.
Ngayon, higit kailanman ang tamang panahon upang mapangahas na ihayag sa buong
bansa at tanghalin ang Sosyalismo bilang tanging solusyon laban sa salot ng
kahirapan at pagsasamantala. Dito sa pambansang punong lungsod at Rizal dapat
tumampok at sumiklab ang makauring pakikibaka ng manggagawa kontra kapitalismo.
Bukluran ng Manggagawang
Pilipino – National Capital Region-Rizal
(Solidarity of Filipino Workers)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento